Friday, July 3, 2009

Tingnan Mo Ang Kanilang mga Mata

Habang tahimik ang aming bunso sa kanyang kuna,
dumedede ng de-kalidad na gatas ng sanggol,
bumulalas ang aking ina, “Tuwang-tuwa siya.”
Halata ko din na kuntentado siya sa ginagawa.

Biglang lumukob sa isipan ko,
“Paano kaya yung ibang mga bata?
Ganito din kaya ang kanilang dinaranas?”
Pinangibabawan ako ng aking kalungkutan.

Awang-awa ako sa mga batang nakatitig sa akin.
Nakikita ko sila, nararamdaman.
Habang tangan nila ang boteng tanging laman
ay ang malabnaw na gatas yari sa mumurahing gawgaw.

Naiyak at nanlumo ako ng makitang wala silang saplot,
karga ng nanay na marusing at naghihinagpis.
Bundat ang kanilang mga sikmura at magtataka ka,
kung busog nga ba sila o puno ng hangin ang tiyan nila.

Nabigla ako sa pagsandal ko sa kuna ng kapatid ko.
Dumaan sa kokote ko ang kalunus-lunos nilang kalagayan.
Ni wala man lang silang silong sa init at ulan.
Walang pader na sandalan at taguan sa lamig.

Tinititigan nila ako at iniabot ng nanay ang kanyang kamay
na tila ba hindi man lang nakaranas ng sabon at tubig.
Natatakot ako at sinakop din ng awa.
Sa kanilang mga titig na nangugusap, lumilimos ng pag-asa

Doon sila naninirahan sa may plaza, sa may monumento.
Meron pa palang mga tulad nila ngayon,
mga taong ang paniniwala sa bayani
ay hindi limitado sa libro at sa loob ng silid-aralan lamang.

Malamang pagkat hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral.
O baka nga malala pa ang kanilang kalagayan,
na hindi man lang nila alam kung ano ang itsura
ng mga gusali sa paaralan at mga pisara.

Linisan ng mga nasabing imahe ang utak ko
at nagsimula akong mabagabag at maawa.
Pero ano ang magagawa ng ating awa?
Wala itong maiaambag sa kanila.

Ang awa, hindi nakakabusog sa sikmura.
Dagdag lamang iyan sa sangkatutak na buntung-hininga
na binibitawan ng malalim at may puwersa.
Pag lipas ng ilang oras, mananatili na lang na alaala.

0 comments:

Post a Comment